Pagkatapos ng kolehiyo

Ang totoo nyan, sa puntong ito ay nag-aalinlangan akong kitain kayong lahat. Hindi naman sa hindi ako nasasabik, nagkataon lang na pare-pareho na tayong binago ng panahon, kasama ng mga interes at pananaw natin sa buhay.

Sa kabila ng lahat, magkakaibigan pa rin tayo at ang relasyon natin ay nananatiling buo. Tayo pa rin ang mga batang minsa’y nagtagpo at sabay-sabay na nangarap, pagkatapos ay nagtungo at tumahak ng iba’t ibang daanan.

Sa ating lahat, alam kong ako ang napalayo ng husto. Ang totoo nyan, hindi ko na tiyak kung paano bumalik dahil sa puntong ito ng buhay natin, ibang tao na tayo. Sa paglipas ng mga taon, mula sa malayo, masaya akong masdan ang patuloy ninyong pagkapit sa isa’t isa.

Gustuhin ko mang dayain ang mga obhektibong kundisyong at magtagumpay man ako, hindi pa rin nito maikakaila ang pangangailangan sa pagpapalaya. Dumating na ako sa puntong kailangan ko ng lisanin ang mundong dati nating binuo at ginalawan.

Nalulungkot man ako, nandito na ang posibilidad na kailangan ko ng mamaalam sa pagkakaibigan nating lahat at dapat ko na iyong harapin.

Pero sa kailaliman ng puso ko, itatanim ko ang lahat ng pinagsamahan natin — ang walang humpay na mga kwentuhan at ngiti, kasama ng mga asaran at pancit canton. At kung tuluyan mang ibaon ng limot ang mga ala-ala, umaasa akong darating ang araw na muli itong sisibol at mamumukadkad. Sa puntong iyon ng buhay ko, muli kong haharapin ang nakaraan.

Hanggang sa muli.

Advertisements